Thursday, August 20, 2009

Kagabi (repost 02/29/08)

Naduwal ako sa mga narinig ko kagabi. Hating gabi na nang nagbitaw si tandang tisoy ng, "Nagtaka ka pa? Ganyan na talagang ang mga [bata] sa kapanuhanan niyo, mga sano! Pagpasok sa mall, limot na ang gulo sa pulitika. Magaling lang makipagsusyalan, pero pagdating sa bayan alang pakialam."

Naiinis ako dahil 'di ko masagot ang banat niya. Tang-ina! Totoo na ata ang litanya ni tisoy. Parang tinatapakan ng elepanteng ginto ang hapis kong dibdib. Puta na nga ba talaga ang mga kabaro ko sa aliw ng pagkalimot?

Gusto ko silang bigyan ng mag-asawang hambalos! Baka sakaling pagnakaramdam ng sakit tumapang ang sikmura at tumalas ang baling mga kuko.

Panu ka nakakatulog nang mahimbing habang si Aling Pudpod ang Tsinelas hanggang ngayong balisang-balisa sa kakaantay sa anak na sabi ng mga tambay dinampot ng mga nakaunipormeng armado?

Panu ka nakakasulat sa mga pahinang bakante kung ang bawat salitang niluluwal ng iyong mga kalmadong tinta ginuhit na pala kahapon ng mga nakaupong hari at reyna?

Gising! Suotan mo ng saplot ang bayang hubad sa katotohanan!
Sigaw! Masyado nang nakabibingi ang katahimikan ng iyong pagyuko.
Lakad! Kahit ang pinakamaliit mong hakbang ay pagsulong mula sa sulok na 'yung kinatatalungkuan.

Wala kang karapatang magkunot-noo kung napakasarap nang pagkakaupo mo ngayon sa lilim ng kutsyong dugong bughaw lang nakakatikim.

Kasama ninyo akong takot, takot sa mga pedeng HINDI MANGYARI 'pag ang katulad natin piniling magkibit-balikat. Hingang malalim!

©Grace Ramos

2 comments: